Featured

Agam-agam

ni: Propesor Merdekka Morales

Isang malaking katanungan o palaisipan parin sa mga makabagong henerasyon ang mga sumusunod na katanungan: Ano, Bakit at Paano pinag-aaralan ang Panitikang Filipino. Kaya’t naman bilang paglilinaw at pagbibigay kasagutan ay gumawa ng isang akda ang aming Propesor sa Panitikang Pilipino na si Propesor Merdekka Morales at pinamagatan niyang “Agam-agam” ang kanyang ginawang akda.

Ang obrang ito ay isang malalim na pagsusuri patungkol sa Panitikang Filipino at nagbibigay ito ng masusing kasagutan sa mga katanungan na aking nabanggit sa unang parte ng blog na ito. Noong ito’y aking binasa, ito’y naging malinaw at may mga puntong tumatak sa akin at may hindi rin ako sinasangayunan, marahil ang gawang ito ay “conversational” o maari kang makipagpalitan ng kuro-kuro o komento sa bawat salitang kanyang binitawan o inilahad para sa mga mambabasa.

Umpisahan ko ito sa mga parteng ako’y nalinawan at aking sinasang-ayunan. Sa unang pahina pa lamang ng kanyang akda ay napukaw na ang aking atensyon, sa linya pa lamang na tila ang Panitikang Filipino ay ginagawang walang katuturan ng mga kapwa ko Pilipino o sa madaling salita, hindi ito mabisang pag-aralan sa akademya. Nailagay din sa kanyang akda ang pagtalakay sa masakit na katotohanan na ang ibang mga Pilipino ay tinuturing lamang pampalipas-oras ang pagbabasa ng akda mula sa mga local writer mula sa ating bansa o mga kapwa nating Pilipino na mahilig magsulat at magbahagi ng kaalaman o karanasan. Sa paglipat ko at pagintindi sa bawat pahina, binasag nito ang ideyang “pampalipas-oras lamang ang pagbabasa” at dinepensahan niya ito sa pamamagitan ng paglahad ng kahalagahan ng pagbabasa sa Panitikang Filipino tulad na lamang ng paglahad sa pangunahing layunin nito; ang makapagmulat sa mga Pilipino, ang makapag-bigay ng panibagong kaalaman upang mapalitan o matumbasan ang mga namamayagpag na kaalaman mula pa sa unang panahon, at panghuli upang makapag-ambag sa lipunan.

Pangalawang puntong nagustuhan ko ay ang kanyang pagkakasabi na “writing is power”, ito’y aking sinasang-ayunan ng buong loob at puso marahil ay kung titignan natin ang ating pambansang kasaysayan naging isang malaking bahagi ang pagsusulat upang tayo’y makalaya sa mga mananakop na dayuhan. Isang magandang ehemplo diyan ay ang mga akda ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, naging malaking bahagi itong mga akdang ito sa pagaklas nating mga Pilipino laban sa mapang-aping Espanyol at nakatulong ito sa kasaysayan upang mabalikan natin at makilala sa panahon ngayon ang ating pinanggalingan at dinanas ng ating mga kapwa Pilipino. Sa pamamagitan rin ng pagsusulat ay maraming namumulat tulad ng mga kabataan na silang tumatayo o nagrerepresenta sa mga hindi nabibigyan ng boses na mamamayan para lumaban sa mapang-aping gobyerno o mga dayuhan. Ang pagsusulat din ang dahilan kung bakit tayo’y nabigyan ng mga karapatan pang-tao upang tayo’y mabuhay ng husto at malaya sa mga mapang-abuso, at upang makapagbigay ng suhestiyon upang maitama ang mga maling naipapatupad sa ating lipunan. Ang Panitikang Filipino din tulad ng sinabi sa akda ay maaring maging Therapy lalo na sa mga nasasaktan, nahihirapan o may mabigat na pinagdadaanan sa kanilang pamumuhay.

Dumako naman tayo sa mga salitang malabo at hindi ko sinasang-ayunan. Una na rito ang nabanggit na ang ibang mga akda ay hindi dapat binabasa o hindi kinukunsidera bilang isang akda dahil maraming walang kwentang akda kung babasahin. Ang nais ko lamang linawin ay hindi ba’t may kanya kanya tayong kagustuhan na basahin bilang isang tao, kaya’t naman may ibang akda ang walang kwenta para sayo pero para sa iba ito’y isang magandang gawa. Nagkulangan din ako bilang isang mambabasa kaya’t hindi ko sinangayunan ay hindi ito masyadong nabigyan ng pangangatwiran tulad na lamang ng “basis” nila sa pag susuri kung may kwenta o wala ang isang akda.

Bilang konklusyon, isa itong akda na dapat nababasa ng lahat lalong lalo na sa mga taong hindi mahilig magbasa na katulad ko na marahil dito ay naenganyo ako magbasa ngayon dahil nabago nito ang aking perspektibo sa maaring idulot ng pagbabasa. Panghuli, ang akdang ito’y ang magsisilbing gabay sa ating mga baguhan sa larangan ng Panitikang Filipino upang matuto ng buong husay at tamang tama ang pagkagawa ng akdang ito dahil sa bansa natin ay patuloy na inuusad ang pagsasaalis sa Panitikang Filipino bilang isang asignatura sa kolehiyo, maaring gawing isa sa mga sandata ang akdang ito para matugunan ang problemang patungkol dito at tayo’y makatayo na sa ating dalawang paa sa paglaban sa karapatan at kulturang Pilipino na magbibigay daan upang yakapin ang sariling atin.

Ritwal

ni: Levy Balgos Dela Cruz

“Knowledge is Power” – Petyr Baelish (Game of Thrones S2:E1)

“Power is Power” – Cersei Lannister (Game of Thrones S2:E1)

Kapangyarihan, isang salita ngunit hindi mawari ang maaring maging epekto nito sa isang tao. Kaya’t naman ang kwento ng akda ni Levy Balgos de la Cruz na pinamagatang Ritwal ay nakatuon sa isang bayan ng Santo Sepulcro na kung saan ang kapangyarihan ay naabuso at ang mga kaisipan ng mga tao ay sarado sa mga bagay bagay o sa madaling salita hindi sila mulat sa katotohanan na nangyayari sa kanilang paligid. Sa unang parte pa lamang ng kwento, pumasok na sa kokote ko ang larawan ng Santo Sepulcro, isang liblib na lugar na malayo sa kabihasnan at mangilan ngilan lamang ang nakatirang tao dito. Habang patuloy na umuusad ang kwento, patuloy rin ang pagiging makabuluhan nito lalong lalo na sa parteng nabanggit na si Maestro Guido na isang manggagamot na kung saan ginagamitan lang niya ng hindi kapani-paniwalang milagro ang mga may sakit o kapansanang lumalapit sakanya, kaya’t naman sinamba na rin siya ng mga tao sa lugar na iyon. Habang patuloy na lumalalim at pag usad ng kwento, nailahad sa akda ang pangyayaring naging abusado sa kapangyarihang natamo ni Maestro Guido tulad na lamang nung sa parteng inabuso ang kapangyarihan para lamang kay Sabel na kung saan ninanais lamang ni Guido ang pansariling interes at kaligayahan niya kahit maapakan na ang pagkatao ni Sabel.

Noong natapos kong basahin ang kwentong ito, hindi ko mawari ang aking mararamdaman kung ako’y kailangan bang mabahala o matakot. Marahil ay ang pokus ng kwentong ito ay laganap sa panahong ito, ang kapangyarihan ay inaabuso at ang ibang mga tao’y naabuso o patuloy na sinasaraduhan ng pag-iisip. Kagaya na lamang sa ating gobyerno na maraming mga trapo na inaabuso ang kanilang kapangyarihan upang makuha lang ang kanilang sariling interes lalo na sa kaban ng bayan. Isang halimabawa pa ay ang mga mayayaman na ultimo tubig na isang likas na yaman, minomonopolize para sila’y kumita ng maraming pera at ang mga tao’y patuloy na inaalisan ng karapatan sa ating sariling likas na yaman. Isang magandang halimbawa din nito ay ang mga liblib na lugar sa Pilipinas na may mga nakatirang mga iba’t ibang tribo na kinikilala lamang ng mga may kapangyarihang tao (pulitiko) kapag may kailangan sila tulad na lamang ng boto ngunit sa kabilang banda kapag wala na sila kailangan, ultimo edukasyon ipinagkakait pa sakanila para lamang hindi mabuksan ang kanilang pag-iisip sa mga bagay bagay, ultimo pang araw-araw na pangangailangan at pangkabuhayan ipinagkakait pa sakanila. Sobrang sakit ng naramdaman ko sa kwentong ito lalong lalo na nung iniakma ko sa kasalukuyang panahon. Naglagay ako sa umpisa ng mga kataga na tumatak sa akin sa palabas na Game of Thrones, dahil hindi lamang iisa ang maaring kapangyarihan ng tao, maaring kapangyarihang intelektwal, kapangyarihang materyal at kapangyarihang lakas. Ang mga ito’y maaring magamit sa kabutihan at pag usad ng isang bansa o bagay ngunit maari rin itong magamit bilang isang armas sa pang-abuso sa mga tao.

Isa ring katangi-tangi ang akdang ito na nabasa ko, dahil hindi lamang iisang suliranin sa lipunan ang kanyang ibinunyag o tinalakay ngunit halos ang lahat ng suliraning kinakaharap nating lahat. Kagaya lamang ng nabanggit ko sa mga nakaraang blog ko, higit na tatatak sa isip ng isang mambabasa ang akdang katulad nito na ninanais magmulat at makaambag sa kaalaman ng lipunan. Ang estilo ng manunulat na ito ay una papasabikin ka sa paglalarawan niya ng mga lugar at pangyayari ngunit sa bandang huli sasampalin ka niya ng masasakit na katotohanan sa lipunan nang hindi pilit at hindi masakit sa mata na basahin. Panghuli, ninanais ko sana na mabasa ito ng nakararami upang patuloy na mabuksan ang ating pag-iisip at maging kritikal tayo sa mga nangyayari sa paligid, hindi kagaya ng mga tao ng Santo Sepulcro na sinaraduhan ng pagkakataon upang makapagisip at magkaroon ng boses para sa kanilang karapatan.

Panitikang Pilipino

Ni: Jalper Sundiam

Sa loob ng isang semestre, hindi ko mawaring mababago pa pala ang aking perspektibo ukol sa mga bagay-bagay katulad na lamang ng pag-iisip ko patungkol sa Panitikang Pilipino. Noon, hindi ko talaga hilig ang magbasa ng mga babasahing naka limbag sa Pilipino, kung magbabasa man ako ay nakikita ko lamang ito bilang pampalipas oras at requirements sa akademya ngunit noong unang pagkikita pa lamang namin sa asignaturang ito ibinahagi kaagad ng aming propesor ang minimithi at natatanging layunin ng panitikang Pilipino at ito ang naging susi o tulay upang patuloy na magbago ang aking pananaw.

Mula sa mga manunulat na ipinakilala niya, mga akdang kanyang pinabasa tiyak kong masasabi na may natutunan ako. Una pa lamang sa paraan ng pagiintindi sa mga binabasa, hindi lamang dapat ito binabasa kung ano ang nakasulat kailangan himayin ang bawat salita, taludtod, at pangungusap marahil may nakatagong saysay sa mga ito na minimithing makaambag sa kaalaman sa lipunan. Ikalawa, noon pa man hilig ko na gumawa ng mga tula at dahil sa mga tinurong estilo ng aming propesor patungkol sa pagsulat ng mga akdang may ‘saysay’ ay magagamit ko rin sa pagpapaganda ng aking mga tula at kung magkakaroon man ako ng pagkakataon ay siguro makakagawa na rin ako ng sarili kong mga maikling kwento. Ikatlo, ang pinaka nagustuhan ko ay ito yung pagtuturo niya sa tamang pag kritisismo sa mga akda at kung paano ito tignan sa lente ng pagiging kritikal. At sa panghuli, pinagawan kami ng kwento na siyang magiging ‘stepping stone’ namin sa pagsusulat ng maayos, malinis, at makabuluhan na mga akda na naglalayong tutulong sa susunod na henerasyon upang sila’y maging kritikal at maging mulat sa mga isyung panlipunan.

Napagtanto ko rin na isa sa pinaka mahalagang asignatura ang Panitikang Pilipino hindi lamang sa kolehiyo kung hindi sa mga mababang lebel din tulad ng elementarya at high iskul upang habang maaga ay marunong na magpahalaga ang mga mag-aaral. Isa ding dahilan ay hindi ka lamang tuturuan nito upang matuto magbasa, bagkus tuturuan ka nito tignan ang mga bagay bagay gamit ang iba’t ibang mga lente. Kaya’t naman napagtanto ko na ang isinusulong ng ating gobyerno sa Pilipinas at iba’t ibang ahensya na nagpapatuloy para alisin ang Panitikang Pilipino sa kolehiyo ay hindi karapat-dapat marahil ay kailangan pa nga itong gawing core subject sa kurikulum ng kolehiya. Dahil sa asignaturang ito, hindi lamang natin nayayakap ang sariling akda ng ating mga kababayan o local na manunulat kung hindi patuloy narin natin makikilala ang ating sariling identidad bilang isang Pilipino. Masasabi ko rin na ipinagtitibay at tuluyang mapanatili ng asignaturang ito ang ating sariling kultura at upang maikalas na natin ang ating tanikala sa mga kanluraning ideya at makapag ambag na tayo ng sarili nating mga kaalaman sa lipunan.

Ako, bilang isang international studies na magaaral, naging isang malaking parte ang Panitikang Pilipino upang ako’y maging kritikal lalo na sa mga pinag-aaralan naming mga isyung panlipunan sa loob o labas man ng bansa. Panghuli, ‘writing is indeed power’ kahit saang aspeto man ng ating pamumuhay.

Kubeta

ni: Nancy Kimuel-Gabriel

Sa kasalukuyang panahon, isa sa pinakamahirap na talakaying paksa ang mga isyung panlipunan marahil ay may kanya-kanya tayong mga karanasan, suhestiyon at opinyon sa mga ito. Kailangan kapag tatalakayin ang mga isyung panlipunan ay hindi mo lamang dapat ilalahad ang mga impormasyon bagkus mag-iisip ka ng makabago at natatanging estilo na kung saan ang iyong mga mambabasa ay mapapa-isip ng husto at matatanong ang sarili kung ano nga ba ang posisyon niya sa isyung ito. Gawing kapanabik-nabik ang bawat linya na kung saan may diskurso sa bawat mambabasa at mapapaisip ito ng mga bagay bagay na maikokonekta niya sa kanyang binabasa.

Ang kwento ng kubeta ay isang istorya na umiikot sa pang-sariling karanasan ni Nancy Kimuel-Gabriel noong bata siya hanggang sa kasalukuyang panahon. Inumpisahan niya ang kwento noong unang panahon na bata siya na kung saan ang kubeta ay nakalabas sa mga kabahayan at ang mga magkakapitbahay ay naghahatian sa paggamit dito. Kaya naman sa pagsasalaysay ng manunulat ay parang naamoy ko na rin ang mga banyo nila noong unang panahon, masangsang na amoy na may lumulutang na tae at puno ng kulay dilaw na ihi. Naikumpara din niya ang sarili nilang kubeta sa mga kubeta ng mga mayayaman noon at ngayon na may mga flush at pang sarili lamang nilang gamit at walang kahati na ibang pamilya na tiyak na makakasiguro na mas malinis at kaaya-aya ang amoy nito kumpara sa kubeta nila. Nailahad din niya ng walang kahirap hirap ang naging karanasan niya noong panahon ng Martial Law sa pamamagitan ng paggamit ng pagtae bilang representasyon kung paano kahirap mamuhay noong panahong iyon, na sa kabundukan lamang magdudumi na nakatago. Ang progresibong kwento din na ito ay pinakita niya ang ngayo’y kalagayan at katayuan niya sa buhay gamit ulit ang kubeta bilang representasyon nito na may sarili na siyang kubeta, malinis na, at komportable na gamitin.

Mahusay ang tinatawag na “form” ng kwentong ito lalong lalo na sa parte na kung saan pinapakita na ang ebolusyon ng kubeta habang papalipas ang mga taon at ang mga naging katawagan dito mula sa palikuran, banyo, kubeta, at ngayo’y comfort room na. Naipakita din ng may akda ang pagiging mahusay niya at ang estilo niyang katangi tangi na kung saan habang kinekwento niya ang sarili niyang karanasan ay napapasukan niya ito ng mga datos patungkol sa antas ng kabuhayan ng mga Pilipino. Buong husay din niyang nagamit ang kubeta bilang representasyon sa antas ng kabuhayan ng mga Pilipino. Ang estilong ito ng may akda ay may kalayuan sa mga una kong taong nabanggit sa aking mga blog marahil ay nakapag-isip siya ng estilo na kung saan parang nagbabasa ka lamang ng simpleng istorya patungkol sa kubeta ngunit habang papalalim na ang iyong nababasa ay pumapasok na sa iyong kokote ang mga ideya na tinatalakay niya sa isyung panlipunan gaya na lamang ng nagiging hierarchical ang ating lipunan at madalas hindi pantay-pantay ang pagtuturing sa mahihirap. Dahil din sa datos na kanyang naipasok ay nalinawagan ako ng husto sa kalagayan ng bansang Pilipinas.

Bilang pangtapos ninanais ko ilahad dito ang aking sariling perspektiba sa kwento na kung saan ako’y higit na natuwa at naagaw nito ang atensyon ko. Ang kwento ng kubeta ay kwento nating mga Pilipino na kung saan kahit gaano pa kabaho ang ating kubeta ay magtitiis tayo upang mairaos man lang, sa buhay natin kahit gaano pa kapusok o kahirap magtitiis tayo upang makaraos at makamit ang ating mga minimithi. Bilang panghuli, ang kubeta para sa akin ay hindi lamang lugar ng pagdudumi ngunit lugar din ito ng pag-iisip ng mga taong nais maging kritikal sa bawat nangyayari sa kapaligiran.

Dangal

ni: Norman Wilwayco

Sa aking mga nakaraang blog ang aking mga tinalakay na akda ay madalas pormal ang pagkakagawa o nilalaman at halos pang-akademya ang mga ito. Ngunit upang mas lalong maenganyo sa Panitikang Pilipino, kailangan kong lumabas sa mga pormal na akda upang mas lalong mamulat sa tunay na kaganapan at masanay sa mga masasakit na katotohanan sa lipunan. Isa na rito ang akda ni Norman Wilwayco na pinamagatang “Dangal”.

Umiikot ang kwentong ito sa tunay na kalagayan ng ating lipunan na kung saan handa ang mga tao na ipagpalit ang kanilang dangal para lamang sa bagay na minimithi nila. Marahil nga ay sabi sa mga akdang nabasa ko patungkol sa aking kurso na international studies lalo’t na kapag tinatalakay namin ang mga lider na naghasik ng lagim sa kanyang nasasakupan, “indivudals value what they covet.” Isang masakit na katotohanan na madalas nalalamon na tayo ng ating mga kagustuhan na kung saan aapak na tayo ng mga tao para lamang makamit ang mga ito. Ang dangal ay kwento ni Chris na mahirap at biglang yumaman kaya’t naman lahat ng luho binili niya, lahat ng hindi karapatdapat nagagawa niya, naging abusado siya sa kanyang sarili at nakakasalamuha. Katulad na lamang ng ninanais niyang bilhin ang pagkabirhen ni Marissa na pumalo hanggang 1.1 Million pesos, naipakita din ang pagbabago o pagkasilaw sa pera ni Marissa na sa una ayaw niya ngunit nung di kalayuan na umangat ang pot money ay biglang pumayag ito at doon nasira ang dangal nilang dalawa.

Natatangi ang gaya ng writing style ni Wilwayco sapagkat kung babasahin ay merong mga salitang hindi kanais-nais pakinggan lalo’t na kung nasa pang-akademya ka, ngunit habang palalim at papalayo nang papalayo ang pagbabasa ay mararamdaman mo ang sampal ng bawat salitang hindi dapat mabasa sa isang akda. Bagamat may mga informal na salita ay ninanais nitong imulat ang mga mambabasa, kaya’t naman maari talagang talakayin sa akademya ang tulad ng akda ni Wilwayco. Ibang iba ang style niya sa mga kapwa niya writer kasi talaga ilalahad niya ang salitang ninanais niyang banggitin kahit na hindi madalas marinig sa mga akda tulad na lamang ng “kantot” na paulit-ulit niyang iwinasiwas sa bawat talata. Hindi pilit ang panggamit niya ng mga salitang katulad ng nabanggit ko dahil akmang akma ito sa istorya. Masasabi ko talagang nagustuhan ko bilang isang manunulat si Wilwayco dahil sinampal niya ako gamit ng mga salita niya sa mga katotohanang matagal ko nang pinipilit hindi makita. Naenganyo din ako sa pagtalakay niya sa isyung panlipunan habang gumagamit siya ng mga metapora at dahil sa mga salitang ginagamit niya ay madaling maiintindihan ng mga mambabasa, sa kalye man o akademya.

Bilang pangtapos sa aking blog, minabuti ko na dito ilahad ang mga nagustuhang kong punto ng istorya. Una na rito ang pagtalakay niya sa hindi pantay-pantay na trato ng lipunan sa mahihirap. Ikalawa ay naipakita niya ang kalagayan ng mga tao sa ating kasalukuyang panahon na nagiging basehan talaga ang pera kapag buhay na ang usapan. Sadyang ang pera ay nagsasalita at nagsisilaw ng mga mata marahil ay maiisip mo bang ang dangal ng isang tao ay nabibili lang ng simpleng papel na may kulay na nilagyan lang ng halaga? Maihahambing din ang istoryang ito sa mga trapo na nanunungkulan sa gobyerno na kung saan nagaapak sila ng dangal ng iba para sa kanilang sariling pakinabang at minsan pinagtatabuyan nila ang sarili nilang dangal para lamang sa kapangyarihan o pera. Panghuli, naipakita rin sa istorya ang maaring mangyari na ang inaapi ay pwede ding maging mapang-api dahil sa kanyang mapait na karanasan.

Kasal

Ni: Eli Reuda Guieb III

Ang panahon natin ngayon ay parang lebel ng tubig sa dagat minsan low tide minsan high tide, kaya’t ang maikling kwentong ito ay patungkol sa pagtaas at pagbaba ng buhay natin sa pag-ibig man o sa iba pang mga bagay. Sa kabila ng pagdami ng mga akda patungkol sa pag-ibig itong akdang ito ay ang pinaka kakaiba sa lahat ng aking nabasa. Higit na maiintindihan ang akdang ito kung buong puso at sasariwain ang bawat salitang kanyang ninanais ipahayag. Habang patuloy kong binabasa ang akdang ito hindi ko na napansin na tila may kirot na sa aking dibdib marahil ay siguro napukaw nito ang aking nakaraang karanasan patungkol sa pag-ibig. Unang linya pa lamang ng ginawang akda ay tila sinasaktan na ako nito ngunit habang papalayo ng papalayo sa umpisa tila may nais siyang iparating na mensahe na hindi lamang patungkol sa pag-ibig kundi sa mga isyung panlipunan din. Ang akdang ito ay isang pormal na akda na ginamitan ng mga metaphor upang mas maipwesto ng mambabasa ang kanyang sarili sa bawat ganap sa maikling kwento na ito. May lalim ang wikang ginamit niya at higit niyang ipinaliwanag ang lugar kung saan ginaganap ang kwento, kung ano ang ginagawa ng mga tauhan ng kwento at maayos ang pagkakasunod-sunod na makakatulong sa mambabasa na maintindihang mabuti at para gumana ang imahinasyon ng mga ito.

Napakahalaga ng mga akdang katulad nito, marahil ay sabi ko nga sa unang blog ko nakaka-ambag ng kaalaman sa lipunan ang isang magandang uri ng Panitiking Filipino. Ano nga ba ang naidagdag na kaalaman nito? Patungkol ito sa isang papel na tinatawag nating kontrata sa kasal o “contract of marriage”. Ang alam natin patungkol dito ay isang papel na magpapatibay sa isang relasyon o pagmamahalan ng dalawang tao. Ngunit, sinasalungatan ito ng akdang ito dahil ang sabi nito ay ito’y kontrata lamang maaring punitin kapag hindi na mahal ng isang tao ang kanyang kasama sa buhay. Ito’y tinawag ng aming Propesor bilang mapagpalayang pag-ibig, na kapag hindi ka na mahal ng tao kahit kayo’y may katibayan na kontrata, matuto magpalaya upang hindi na masakal o makulong ang taong ito sa sarili mong mga kamay. Napakahalaga ng akdang ito sa panahon ngayon dahil itong taon na ito ay malaking usapin ang Divorce Bill sa Pilipinas na maraming nagpapalitan ng suhestiyon at opinyon patungkol dito. Katulad lamang ng ninanais ipahayag ng akda, ang Divorce Bill ay kailangan ng mga nagmamahalang tapos na ang kanilang oras upang magsama, kailangan nilang palayain ang isa’t isa upang mahanap kung saan ba sila liligaya at magiging matatag bilang isang tao. Sabi nga ng akda, bawat tao ay naghahanap ng tuldok; tuldok ng bawat bagay at buhay.

Wala akong masabi sa akdang ito dahil, napakahusay ng pagkakagawa at pagkakabuo ng bawat linya. Epektibo ito bilang isang akda dahil unang linya pa lamang ay may kirot na at maalala mo na ang mga karanasan mo sa nakaraan lalong lalo na sa pag-ibig. Panghuli, itong mga akdang ito ay hindi pangkaraniwan bagkus may sarili silang identidad na ibinabahagi, na kapag binabasa mo parang nasa ibang mundo ka na may ibang kaisipan na namamayagpag.

Design a site like this with WordPress.com
Get started